Cupkeyk ([info]cupkeyk) wrote,
@ 2009-04-06 03:53:00
Previous Entry  Add to memories!  Tell a Friend  Next Entry
Entry tags:filipino, mine, poetry

Hugis tala sa aking kama.
Mabuti na't wala ka dito:
ako'y kung ganito ay tala
na lima ang sinag kung matulog.
Walang puwang ang aking kama sa'yo.
Sarili ko mang balat ay parusa na
madiktan, 'di ko na nais pang malaman
kung paano papasanin ang magaang haplos
na hindi natatangihan. Mapapabayaan
ang paglapat ng labi sa aking batok,
at gayong maikukuwento, magbabalik-
tanaw ang ilong sa buong araw.
Mula sa mga singaw ng lupa,
ang pagkaluto ng basura sa kalsada,
ang paglambot ng alkitran sa aspalto
hanggang sumapit ang gabi at magsisindi
na ng mga gasera ang mga magbabalot
at bibigat ang inipong usok ng sasakyan
at dadapo muli sa lansangan.
Nakakahiya.
Ako man, sa aking pagligo ay umaalingaso.
Nasisingkit ang aking mata sa pagakyat
ng init mula sa aking katawan paulo
kaya't inihuhuli ang shampoo. Hindi man
kita nais makasama, hindi kita maitaboy.
Nakakaubos ng lakas ang init sa Maynila-
kaya't mabuti na't wala ka.




Create an Account
Forgot your login or password?
Login w/ OpenID
English • Español • Deutsch • Русский…