Habang Wala Ako

Nagseselos ako para sa iyo
tuwing makikipagtalik ako sa iba.
Iniisip ko ang daloy
ng iyong haraya sa aking katawan,
kambal poot at sabik--
kailan ang pagkakataon mo?
Minamarahil mong napapipikit ako
ng ibang kamay at labi
ngunit mukha mo ang makikita
sa tabing ng talukap ng aking mata.
Aasahan mong mali ka't
hindi dagat ang aking libog
na kay raming ibayo,
kungdi daangbakal ng tren,
agapay na riles, taga sa bato,
at matigil man sa kungsaang himpilan,
mga saglit lamang
ng unti-unting pauwi sa iyo.

Kita kanita

Habang nagkakape, naupo sa tabi ko ang pusa;
at pinagningas ng sinag-araw sa anggulo ng umaga
ang mga lingid na ugat sa mga litid ng kaniyang tainga.
Nakamasid ang pusa sa labas ng bintana
saan may sinulid ng sapot ang naghahalinhinang
pilak at puti, o mawawala, sa bawat munting kibo
ng ni di maramang hangin.
Mahal, kayraming di makita ng mata--
kung gapi ng sandali ang likas na maysabulag
sa pagkakalingid, silid o lihim; paano pa ang layo,
na kay dali-daling bagtasin, isang hakbang
sa harap ng naunang paa?
Mahal kong pumaibayo, nais kitang makita.

Postcard

The charm of sea is salt--
to see the self in the crystal form
of tabletop shakers and countertops,
historied to salary and legendary to wife;
and to expand in the water,
I am there, unseen but everywhere,
the sea bouys me up with salt,
sympathazes disillusion with disolution.

Sakaling Datnang Libog Ka

tutubo ang mga baging ng aking braso,
kasing hinhin ng maagang liwanag sa kurtina.

Lamok lamang ang aking ilong na dadapo
sa pamumukadkad na talulot ng iyong tainga.

Ang mga daliri ko, mga ligaw na ihip ng hangin,
sa ilalim ng kamiseta, nalito sa pag-inog ng mundo.

H'wag bigyang kulay ang bahagharing laging lumalatag
sa himpapawid sa pinakamunti mong hiling.

May pangalan itong hindi libog na hindi mo nais
marinig, at natutuwa akong natutuwa kang damhin.

Daang Usa

Babalaan muli kami ni Roger sa daang-usa,
na tila bulaklak na ligaw na kung saan-saan
na lamang datnang bukadkad.
Huwag kayo diyan. May halimuyak
ang anyaya ng di tuklas,
kaya't paglagpas ay lilingon.
Saan kaya patungo ang daang
magsasara sa likod ng humahakbang
na tila pagtahak sa mga sandaling
ang minsa'y hindi na magiging muli?
Pero lumipas na ang pagkakataong malaman.
Nakalayo na ako sa bukana ng daang-usa,
pero sa pagkakasanga-sanga ng walang hangga,
may ibang akong nawala roon,
at ikinamatay niya ang mangha.

Sakali

Kakakandirit ako, para kita'y ibigin.
O habang bumubulusok ang bulalakaw,
na magdamag inabangan. Ipipikit
ang mata, saka aasintahin ang iyong labi
ng aking pahatid hangin. Ipagsisigawan
ko sa talon ng Iguazu, o ibubulong
ko sa uka sa pader ng Angkorwat.
Habang tumatawid sa pilapil ng payao,
at nag-aalburuto ang kulog at kidlat,
at dongla lang ang tanod sa aking kaligtasan.
Mamamahilin kita sa di pangkaraniwang paraan
dahil ang isa rito ang isa sa isang milyon
na pagkakataong sakaling mahalin mo rin ako.

Samantala

Lamig ng pagsinta, at init ng halik;
Walang hanggang hangga kahit walang salik.
Walang samantala sa di umiimik;
Kaya di abala't laging nananabik.
Pakiusap sana'y h'wag nang magbabalik.
Kalansay nang sanga'y muling maghihitik.

Gaano Kalayo ang Urbiztondo sa Los Baños

Napagpasyahan kong gisingin si Del
sa San Fernando, pinaliguan niya ako
hanggang makarating kami sa Bauang
bago ko naaalalang magchecheck-in
kami ni LJ dahil ayaw niya kamong
ma-late sa trabaho. Nang mula sa wala,
sinamahan ako ni Jeriel sa Urdaneta
pero hanggang Gerona lang, hindi natuluyan
pero lalong lumamig ang bus.
Hindi ko silang mahal lahat, kasimbigat
sila sa aking puso
ng timbang ko sa iyong puso.
Gusto kong maging matapat
sa iyo nang di ipagmamayabang
ang mga pinagtagumpayan ng aking landi.
Hindi ko na dapat pang abalahin
ng aking libog sina Del, LJ o Jeriel.
Pero natatakot akong
sakaling pauwiin mo ako mula sa Las Piñas,
wala akong brasong mauuwian.
Pero Tarlac pa lang,
desidido na akong
dadayuhin kita ng pagsuyo
mula sa Los Baños.
Pero pagbaba ko sa Cubao,
para magpalit ng bus sa sukal ng lansangan,
pumalibot sa akin ang aking mga braso.